Friday, July 31, 2009

25 Years ba Byaheng Baku-baku



Limang Taon. sa pagiging musmos. Pag-iyak. pagtawa. walang alam sa mundo. gutom. init. sakit. saya. tuwa at kababawan lang ang alam. Limang taon na nakadepende at inalagaan ng mga taong nagmamahal sa kanya.
Nagkabukol. nagkapasa. nasugatan. nagasgasan dahil sa kalikutan.

Isang Taon sa Kinder. Natutong makisalamuha sa mundo sa labas ng Bahay. nakipagkaibigan sa ibang bata. Natutong magsulat ng kanyang pangalan. kumanta at sumayaw. most outstanding kinder ng 1990 sa aming iskwelahan. wag kang magtaka! pa-kyut'an at pabibohan lang ang labanan!

Amin na taon sa Elementarya. Natutong bumasa at sumulat. Napasok ang masmalawak na mundo ng pakikipagkapwa. nawili sa panonood ng mga cartoons. naging bahagi sa kanyang paglaki ang paniniwalang may anghet Anghel ang bawat isa sa atin. mababaw ang kaligayahan. natutong gumawa ng gawaing bahay at mga simpleng bagay.

Tuloy ang agos ng Buhay...

Apat na taon sa High School. Nagsimulang maging independent. Natutong magluto at maglaba para sa sarili. Sa loob ng 3months, kasama ang nakakatandang kapatid sa Boarding House. Hanggang sa nagka-problema at naiwan mag-isa sa boarding house. mag-isa. mag-isa. mag-isa.

Lumipat ng Boarding House, mag-isa pa rin. pero mas-ok na kase klasmeyts nya yung ilang nasa katabing kwarto. masaya. nakakatuwa. dito unang natutong uminom ng alak kasama ang mga kaibigan. Pasyal-pasyal at lakwatsa.

Naghirap. Naghirap. nagkasakit. naghirap pa rin!
Dalawang beses tinamaan ng Dengue Fever. Pero ayus pa rin. Tama yata yung kasabihan, Masamang Damo; Mahirap Mamatay.

Bumangon. Nagsimula. Tumaas ang pangarap sa buhay dahil sa mga napagdaanan. Nagtapos ng High School ng walang aberya.

2 at Kalahating Taon sa Kolehyo. mahirap. masaya. sobrang saya! Nagkaroon ng dalawang magkasunod na Lablayf. Hindi rin nagtagal.
Lumawak ang kaalaman. naging kampante. natutong magbisyo. Napabayaan at Nasira ang pag-aaral. ayaw na nya...


10 months. Nagtrabaho sa Jollibee. masaya. Sobrang saya. pera-pera. madaming kaibigan. walang ipon. nabibili lahat ng gusto. tama lang pangsustento sa sarili. tama lang. lablayf masaya din!

8 months. Nagtrabaho sa Chowking. Masmasaya. Nakatagpo ng mga tunay na kaibigan. dumating si Prinsesa. Nagkaroon ng masmalaking pangarap. magbabalik iskwela sana. pero malabo na sa ngayon.

Apat na Buwan. Nagtrabaho sa San Juan, Batangas. Virgin Beach Resort. Ok naman. Natuto sa maraming bagay. dito unang nakita ang lupit ng mundo sa mga taong walang pera. ok na rin ang kita. pero malayo sa mga taong minamahal. masaya pero may lungkot. may kulang. umalis. naghanap ng masmagandang opurtunidad.

Walong Buwan. Nagtraining para magkaroon ng Care Giver Certificate. Nag-apply abroad. madaming problema. madaming gastos. madaming problema pa rin. matagal ang proseso. mabagal ang usad ng buhay. parang sugal. malapit ng umayaw.

3 months. Nagtrabaho sa RedRibbon-Timog. Ok naman. Hindi nga lang masaya. Nag-resign. Dito ko napag-alaman na Ang mga taong iniiwasan mo ay laging sasalubong sayo hanggang hindi mo sila hinaharap at nilalampasan.


5 months. Nagtrabaho sa Shakeys. Masaya. madaming kaibigan. madaming experience. madaming natutunan. Hindi namalayan ang bawat pagdaan ng araw. hanggang dumating ang resulta ng application sa canada. Nag-resign sa trabaho 2days bago ang Lipad. excited.


Ngayon, dalawang taon na ako dito. Maraming masasaya. Pero masmaraming lungkot. wala pa rin talagang tatalo sa Pinas. Madali ang pera sa abroad basta masipag at hindi ka namimili ng trabaho. ganyan kakulay ang aking buhay. makulay pa sa sinabawang gulay.
sa Loob ng 25years, Ito ang baku-bakung ruta ng Driver sa Trip ni Kosa.



Friday, July 24, 2009

Tsinelas na susi ng Kasikatan katulad ni Aling Dionisia!


Naaalala mo ba ang kulto ng tsinelas na pinauso ni LordCM nuong nakaraan? Yung tsinelas na pinatulan ng maraming abnuy na katulad kong walang magawang matino sa mundo?

Kung hindi mo naaalala, wala akong magagawa..hehe

Naaalala ko lang yun sa dinami-dami kase ng natanggap kong sulat pagbati sa linggong ito dahil sa aking birtdey eh ang sulat na ito ang gumulantang sa akin ng Bonggang-bonga!

basahin mo muna pra makarelate ka..lols

July 22, 2009

Dear Kosa,

National Broadcasting Network is currently producing a daily magazine show SheKa. It airs from 8 to 9 in the morning hosted by Monica Llamas and Issa Litton. I just browsed your blog regarding 'tsinelas' and was wondering if we could invite you on our show about your blog, since our show is about arts and culture.

We want to invite you live on August 4, 2009 at Ninoy Aquino Parks and Wildlife, call time would be 7:30 am. Please reply on this e-mail regarding your concern and/or confirmation. You may also contact us at 455-9785 or 0917-9010649.



Sincerely,
Kyle Mendrez
Segment Producer
Ohhh ayan... eh anung masasabi mo? lolz. Hindi ko naman masyadong sinseryoso to. Hindi ko pa nga nirereply baka kase may nanloloko lang sa akin. Sobrang advance pa naman akong mag-isip. Parang na-iimagine ko na tuloy ang sarili kong pinuputakti ng intriga dahil papasok na ako sa showbiz.hehe. Sa dali kase ng impluwensya ng telebisyon sa publiko madaming mga walang kwentang tao ang nakakapasok sa showbiz ng wala sa oras. Tulad ko... baka naman kahit wala akong kakwenta-kwenta eh mainlab sa akin ang publiko at tangayin ako sa ruruk ng kasikatan.
apiiiiir aling Dionisia! hehe



Tuesday, July 14, 2009

Anino ng Katotohanan

babala:
walang kwenta!


Masasabi natin na ang pinaka-consistent sa mundo ay ang pagbabago. Maraming bagay ang nagbabago sa isang iglap lang. Naalala mo pa ba kung paano ka nagsimulang magpulandit ng mga kalokohan sa mundo ng Blog? Naalala mo pa ba kung sinu ang kumaladkad sayo para ipakilala sa Mundong ng nakakaadik na pagbablog? Naalala mo pa ba kung sinu ang iyung nais matularan at naging inspirasyon sa pagbablog? naalala mo pa ba kung sinu ang una mong naging kaututang dila na itinuring mong suki sa mga walang kakwenta kwenta mong sinusulat sa Blog mo?

Natutuwa akong balikan ang mga yun pero minsan, naiisip ko ng umayaw sa pagbablog. Madalas bigla nalang akong ginugulo ng mga kiti-kiti sa aking utak. Pinagsasabihan akong itapon at ibaon na sa kawalan ang walang kwentang kutang ito dahil hindi ko naman ito papakinabangan pangkabuhayan. Madalas naiisip kong wala na akong masasabi pang bago. Wala na akong maise-share na kaalaman at wala na akong oras na makipagbolahan. Wala rin akong talentong maibabahagi at wala rin akong maipagyayabang na kakayahan. madalas wala na rin akong oras na para sa pakikipagkapwa-blog sa sangkablogosperyohan.

Ang tanging pumipigil na lang sa akin para hindi sumuko at tuluyang tangayin ng makukulit na kiti-kiti ay kayo! kayo na patuloy na nagiging suki, kasakayan, kabolahan, kalokohan, naliligaw ng landas, taga-bili at taga-tangkilik sa mga pakulo sa walang kwentang Trip Ni Kosa. Kayo na palaging sumasakay sa Byaheng baku-baku!

Marami-rami na rin akong naipon na kaututang dila, ka-manyakan, ka-harutan, ka-lokohan, katagayan at kaibigan sa Blogosperyo. "Hindi madali ang makibagay sa mga taong hindi mo kakilala" yan ang sabi nila. Pero tulad nga nga madalas nilang sabihin sa showbiz, "hindi mo mapi-please ang lahat" kaya kung sino sa tingin mo ang ka-wavelenght mo, dun ka makipag-ungkutan at makipagpalitan ng malalagkit na laway. Dun ka rumampa, mag-ii-isplit! magtata-tambling at dun ka humarot. Yun lang yun!

Aminin man nating lahat o hindi may mga blogger pa rin na nagtatago sa likod ng mapanlinlang na letrang tinitipa. Ako din, inaamin ko! may hati pa rin sa pagitan ng aking buhay blog at sa teleserye ng aking totoong buhay. May mga bagay pa rin akong hindi pwedeng ibahagi sa mga taong "nakakakilala sa akin ng personal na madalas eh nakatagong nagbabasa sa aking blog". Alam kong may mga matang nakamassid sa akin sa bawat post na aking ginagawa...

Bakit ko ba nasabi na pagbabago ang pinaka-consistent sa mundo? Kase malamang sa malamang ay baka nabasa mo an rin! Nabasa ko kase ang pinakahuling post ni Lioloco kung saan lilimutin na yata nya ang pagbablog at magpapakadalubahasa nalang sa buhay na kanyang pipiliin. Ganun ka dali ang ikot ng mundo! sa isang iglap lang eh, papasukan nalang ng mapanlinlang na hangin ang iyung tumbong at maaapektuhan ang iyung matinong pag-iisip (peace:D). pero tulad ng madalas sabihin ni JoshieMarie, "Once a blogger always a blogger" naniniwala ako dun at alam kong, kung gaano kabilis umayaw sa pagba-blog si pareng Lioloco eh ganun din kabilis babalik yun!

********************************************************

Alam mo bang ang Birthday talaga ni Kosa ay July 15, 19**? Magka-birthday sila ng kanyang Prinsesa pero dahil medyo a-anga-anga yung midwife na nagpa-anak sa kanyang Super Nanay eh, nailagay sa birthcertificate nya ang 18, instead na 15!

*******************************************************

Kaya naman, Happy Birthday sa akin!
at
Happy Birthday sa aking Prinsesa.




Thursday, July 9, 2009

Sulat Ni BesFren




Dear Kosa,

Kumusta ka naman? Medyo nagiging busy ka na yata masyado sa Buhay mo at hindi mo na napapasadahan at nabibigyan ng oras ang iyung sarili para maglibang ahhh? Hindi naman masama ang magtrabaho pero sa maniwala ka at sa hindi, ang lahat ng sobra eh, hindi maganda ang resulta.

Ngayon na malapit na ang iyung kaarawan, anu naman ang masasabing mong magandang nangyari sa Buhay mo? May natupad ba naman sa mga bagay na hinangad mo? Naging masaya at kontento ka ba sa Buhay mo?

Sana malaman mo na minsan, ang Buhay ay hindi lang basta byahe na sasakay ka lang at makakarating ka sa pupuntahan at destinasyon mo. Hindi rin ito parang ilog na magpapaanod ka lang ay tatangayin ka na ng tubig.

Alam kong malayo pa ang iyong lalakbayin para maabot mo ang mga bagay na ninanais mo. mga bagay na hinahangad ng iyung puso at isip. Tandaan mo na walang umaangat sa pagtungtong o pag-apak sa espasyong hindi para sayo. dahil ang puhunan sa pag-angat ay talent, pakikisama at determinasyon na sasamahan ng hardworks. Lahat ng bagay ay darating sa tamang panahon.

o sige, sana magkita tayo soon. Ang tagal na nating hindi nagkita! wag kang mag-alala... kalabaw lang ang tumatanda! kung hindi man, siguradong pagtandan mo masmatanda pa rin ako kaysa sayo.

ingat parekoy:D

BesFren


Monday, July 6, 2009

Untitled



video



Malapit na ang Birthday ko.
Pero dahil wala akong maisip na ilagay sa Blog ko,
naisip kong i-share 'tong video na to na ginawa ko bilang pasasalamat kay Papa God. Para sa lahat ng tulong at biyaya na patuloy na ibinibigay nya sa akin at sa mga taong mahal ko.

Hindi man halata sa aking mga salita.. Pero ang totoo, sa puso't isip ko, nakatago ang aking pagiging makadiyos... Para sa akin kase, Ang pagdarasal eh isang banal na bagay at hindi na dapat pang ipinapangalandakan. Tama na para sa akin yung taos puso at sa isip ko eh kausapin ko ng taimtim si Papa GOD magpasalamat at mag-request..hehe